BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS

Monday, March 29, 2010

Hindi Ako Susuko


Kailan kaya?

Ngunit di pa rin nawawalan ng pag-asa..

Marami akong personal na mga pangarap sa mundo na ito. Sa career, maging magaling o successful akong 3D artist, animator specially in the field of film animation. Sa lovelife, magkaroon ako ng mabuting mapapangasawa at magkaroon kami ng masayang sambahayan. Sa materyal na bagay, gusto kong magkakotse at magandang bahay. Kahit hindi mapera basta kontento sa mga bagay na tinatangkilik.

Tungkol naman sa espiritual na siyang pinakamahalaga sa lahat. Nais kong magkaroon ng malakas pang pananampalataya. Dalangin ko sa Ama na sana basbasan pa Niya ako ng lalo pang malakas na espirito upang maipagtanggol ko ang katotohanan Niya. Kapangyarihan upang lalo ko pang maipag-anyaya ang Kanyang mga salita at maging mabisa ito upang magising ang natutulog na isip ng mga mahal ko sa buhay na ayaw dinggin ang katotohanan.

Lahat ng ito'y pangarap ko. Ngunit kung isang pangarap lamang ang maaring matupad, ito na ang hihilingin ko sa Ama, MALIGTAS NAWA LAHAT NG MGA MAHAL KO SA BUHAY. Magising na sila sa katotohanan na kailangan ng Iglesia.. ng tunay na Iglesia para maligtas. Nasabi ko nga, kahit buhay ko'y handa kong ialay, maligtas lamang sila. Silang lahat, mga kaibigan, kamag-anak, lalo na yung mga nanlalamig na, mga kakilala, katrabaho, kaklase, guro, silang lahat na naging parte ng buhay ko. Ngunit di ako katulad ng Panginoong Jesus na banal ang dugo kaya natubos Niya ang kasalanan ng Kanyang Iglesia. Hindi ko maaaring ipantubos ang buhay ko sa kanila. Ni hindi ko maaaring yakapin sila sa araw ng paghuhukom para kasama silang maliligtas kahit wala sila sa tunay na Iglesia. Sila sa sarili nila ang kikilos upang maligtas sila. At ginagawa ko ang aking makakaya upang maging kasangkapan upang maakay sila.

Kuntento ka na sa relihiyon mo?

Akala mo maliligtas ka na diyan?

Ah, diyan ka na namulat? Gusto mo dyan ka na rin mamatay? Yan ang paninindigan mo? Kung sa kasinungalingan ka namulat, dyan ka na rin mamamatay?

Nasuri mo ba lahat ng aral diyan sa kinaaaniban mo? Nakabase ba lahat ng aral niyan sa Bibliya? O gawa-gawa lang ng tao? Hindi na kalooban ng Dios ang nasunod pag ganon! Kalooban na ng tao yun! At yun ang aral ni Satanas. Wala sa Biblia.

"Hindi mo ako mapag-Iiglesia kahit kailan! Sumasama lang ako sa 'yo dahil pinagbibigyan kita." Eto ang masakit at di ko malilimutang sinabi ng mahal kong kaibigan nang inaanyayahan ko siyang sumamba kahit minsan lang matapos ko siyang maakay sa marami na ring pamamahayag. Parang hinihiwa ang puso ko sa sinabi niya. Isipin ko lang na papahirapan siya sa dagat-dagatang apoy o impyerno araw at gabi, ay di ko na maatim isipin. Naluluha na lamang ako. Ayaw niya makinig sa akin. Hindi nya ko pinaniniwalaan. Hindi nya deserve mapunta sa impyerno, napakabuti niyang tao. Naalala ko tuloy ang sinabi ng mabuti kong guro noong high school. Tungkol sa aral ng Iglesia na ang Iglesia Ni Cristo lamang ang maliligtas. Sabi niya sa usual na malumanay na pahayag, "..Siguro naman mabait ang Dios di ba?" Ang nais niyang ipakiwari'y hindi magtatangi ang Dios. MALI! Gusto ko sumagot noon, ngunit hindi naman ako tinatanong, nagdidiscuss lang siya. Noon pa man ay nagbukod na ang Dios. Ang bayang Israel na una Niyang bayan ang tanging binigyan Niya ng karapatang maglingkod sa Kanya. Ngunit natalikod ang bayang Israel dahil sa pagsuway nito. Kaya kung mapapansin nyo, laging may gera sa bansang Israel. Tila isinumpa ng Dios ang bayan na iyon. At dagdag pa, sabi ng Ama, iwawalat Niya ang karunungan ng marurunong at kabaitan ng mababait. Kaya kahit anong bait mo pa, kung di ka kabilang sa tinubos, hindi ka nakasisiguro ng kaligtasan.

Ngunit dahil sa habag at awa ng Ama sa mga tao, muli Siyang naglagay ng kasangkapan upang muling matayo ang Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw, sa malayong Silangan. Sabi ng kasamahan ko sa trabaho, mapagmasid din daw siya sa paligid. Maraming naglipanang mga relihiyon diyan na hango din daw sa Biblia ang pangalan. Kaibigan, ibahin mo ang Iglesia! Ito, kung iyong sisipiin sa Biblia ay may pinakamaraming patotoo na ito ang tunay na isinasaad ng hula. Ayon na rin sa patotoo ng kasaysayan. Maraming beses ko na itong isinaad sa nakaraan kong mga artikulo.

Noong grade 2 ako, tinanong ako ng Katekistang nagtuturo sa seksiyon namin kung ano ang relihiyon ko. Siyempre proud ako "Iglesia Ni Cristo po." Sabi niya, "ah, Iglesia Ni Manalo.." Pasalamat siya at bata pa lang ako noon. Kung hindi'y baka napahiya siya sa pagyurak ng pangalan ng tunay na Iglesia Ni Cristo. Kaunting respeto manang katekista, baka tawagin ko po kayong katoLIKO, tunay naman. Dahil ayon sa Biblia, ang Iglesia Katolika ang kinatuparan ng pagtalikod ng bayang Israel. Sila ang Iglesiang natalikod. Biblia ang may sabi niyan.. Maraming sa mga aral nito ang kabalintunaan sa itinuturo ng Biblia. At siya ang hinuhulaan sa Biblia na babaeng pakakak na nakaupo sa mangkok sa ibabaw ng karagatan. Lumalarawan sa pagigi nitong Universal o pandaigdig na relihiyon.

Ngayon naman. May nakilala akong matino namang kaibigan. Client namin siya actually. May itsura sana siya kaso ADD. Sabi niya sa akin, 2 taon na daw siyang nakikinig ng aral namin sa TV. Gusto niya lahat ng mga ang aral ngunit 1 lang daw ang di niya matanggap. Na itinuturo namin na tao ang Panginoong Jesus at hindi Dios. Ou, ngunit wala kaming sinabing "tao lang." Tao Siya ayon sa pagtuturo ng Biblia ngunit napakataas ng pagkakilala namin sa Kanya. Una siya ang ulo namin, ng Iglesia, kaya nga Iglesia Ni Cristo. Ikalawa, siya ang tagapamagitan namin sa Ama kaya lagi naming isinasama sa panalangin ang Kanyang pangalan upang ipakiusap ito sa Ama. Ikatlo, Siya ang tumubos ng aming kasalanan. Kung kaya dapat naming suklian ang kabutihan Niya sa amin. Inutos din ng Ama na sambahin Siya, kaya sinasamba namin Siya ngunit hindi bilang Dios kundi bilang anak ng Dios na ulo ng Iglesia. Kaya nga may Banal na Hapunan kami o Sta. Cena para sa pag ala-ala sa dugo at katawan ng Panginoon sa ginawa Niyang pagtubos sa aming kasalanan. Ngayon, bakit ang aral namin ay tao Siya? Siya na rin ang may sabi. May laman siya, may buto. Hindi Siya espirito. Nagutom, nauhaw, nasaktan, nahirapan at namatay Siya. Ang Dios ay di nakakaranas ng ganito ayon sa Biblia. Nang buntis tao si Maria, hindi naman sinabi ng aklat na nagdadalang-Dios si Maria, kundi nagdadalang-TAO. Nang manalangin Siya sa bundok bago siya ipako sa krus ay tumingala Siya sa langit at sinabi Niya sa panalangin, "......at makilala Ka nila na kaisa-isang tunay na Dios. " Hindi Niya sinabi na: "Makilala nila TAYO na tunay na Dios." -- Walang ganoon sa Biblia. At marami pang patotoo ang Biblia na tao ang Panginoong Jesus.

Kami lang na tunay na Iglesia ang nagtuturo ng dalisay na aral. Partikular na ang pagiging tao ng Panginoong Jesus. Kaya nabulagan ang mga sektang protestante at katoliko ay dahil sa wala sa kanila ang pagsama ng Ama. Iba ang itinuturo nila dahil hindi sila isinugo ng Ama. Sapagkat sa sugo lamang Niya ipinakita ang hiwaga ng Bibliya.

"Ang Banal na Kasulatan, nakalihim sa hiwaga

Sa sariling pag-aaral ay hindi maunawa.

Ang Banal Niyang aklat, sa Sugo Niya'y nahayag

Ang Dios ang Siyang nagbigay ng mga karunungan."

Kaya kahit napakarunong pa ng isang tao, sabihing nag-aaral pa sa pinakamagandang unibersidad sa ibang bansa, ay hindi niya mauunawa ang hiwaga ng Biblia, sapagkat di siya isinugo, maiiba ang interpretasyon niya dito, kaya maraming relihiyong nagsulputan.

Ngunit ang tanging sugo lamang ng Ama ang pinagkalooban Niyang makaalam ng katotohanan upang ipangaral ito sa mga tao. Natupad ang hula ng Biblia ukol sa ibong mandaragit na tinawag mula sa malayong silangan. Si Ka Felix ang naging katuparan. Ito'y ayon sa maraming patotoo ng Banal na kasulatan.

Kaya mga mahal ko, kasuklaman, pagtawanan, libakin nyo man ako at layuan. Di ako susuko. Ipapanalangin ko kayo sa Ama. At gagawin ko ang aking makakaya upang magising kayo sa pagkatulog sa mahalagang katotohanan.

Hindi ako susuko. Hanggang kamatayan ako’y lalaban.

Tulungan nawa ako ng Ama.