BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS

Saturday, July 25, 2009

Filipino Ako! Iglesia Ni Cristo Ako!

Sulyap sa nakaraan.

Noon, gusto kong maging American Citizen, I love their outer traits, blue eyes, tall, white complexion, blonde hair and I like clean look people. One of my super crush is clean-looking. I also love their language, that’s why my most favourite subject is English when I’m still studying. I always want to learn to speak fluently in English lalo na ngayon na kailangan kong magtrabaho sa call center. You heard it right, kailangan, hindi gusto. I have a self ambition to pursue another career but I can’t afford to study again. But why I am speaking English-Tagalog right now? Ok.


Sa pagdaan ng maraming araw ng aking buhay, napag-isip isip kong dapat pala ay itaas ko ang aking noo sapagkat ako’y isang Filipino. Tama, FILIPINO AKO!


Bakit dapat kong ipagmalaki na Filipino ako?


Una, dito sa bansang ito hinulaan ng Biblia na muling babangon ang Iglesia Ni Cristo na natalikod noong una.


Sa mga wakas ng lupa, sa malayong silangan.


Ayon na rin sa pagpatunay ng kasaysayan, ang Pilipinas ang tunay na kinatuparan ng hula sa Biblia na malayong silangan (far east), pulo ng dagat (archipelago). Sa mga bansang nasa malayong silangan, tanging Pilipinas lamang ang bansang Kristiano.


Pangalawa, dito isinilang ang sugo sa huling araw. Isa siyang Filipino at siya'y pinili ng Ama upang muling mabangon ang Iglesia Ni Cristo sa Pilipinas. Siya'y isinugo at kinasangkapan ng Ama upang muling matatag ang Iglesia na itinayo ng Panginoong Jesus noong una,sapagkat ang unang Iglesia ay natalikod, kaya hindi siya ang nagtatag ng Iglesia tulad ng inaakala ng sanlibutan, siya ay isinugo upang ito'y maitatag muli ayon sa kalooban ng Diyos.


At noong ika-27 ng Hulyo, 1914, ay nairehistro ang Iglesia Ni Cristo sa Pilipinas. Natupad ang hula ng Biblia na muli itong lilitaw sa mga wakas ng lupa. Ang 'wakas ng lupa' na tinutukoy ay panahon at hindi lugar, ayon sa mga pagpapatunay ng Biblia. Noon pa mang nasa lupa pa ang Panginoong Jesus ay sinabi na Niya na mayroon pa siyang ibang mga tupa sa malayong lupain.


"Ang Iglesia ng una kalagayan nito'y hamak, inusig kinukutya ng kaaway. Gawain Mo'y nagpatuloy sugo'y itinaguyod, salita Mo, o Diyos ang siyang patnubay..." naaalala ko pa ang processional hymn na ito noong inaawit ko pa ito noon sa Pasalamat ng Kabataan. Kitang-kita naman ang katanyagan ng Iglesia Ni Cristo ngayon sa kanyang ika-95 pagkatatag sa Pilipinas. Noong una'y abang-aba ang kalagayan, inuusig ng sanlibutan, ngunit ngayo'y dinadakila at kinikilala na sa lipunan dahil ito'y pangako ng Diyos sa Iglesia. Ang Iglesia Ni Cristo ay hindi tumatanggap ng tulong sa politiko o sa ibang tao. Wala ring negosyo di tulad ng ibang relihiyon na lumaki dahil sa negosyo. Ang Iglesia Ni Cristo'y nagningning at patuloy sa kanyang tagumpay dahil sa tulong ng tunay na Diyos. Isang matibay na pagpapatunay na ang Iglesia Ni Cristo lamang ang may tunay na Diyos.


Akin ngang pinagtatakhan ang aking mga kaibigan, sa kabila ng aking pag-akay sa kanila sa loob ng Iglesia ay wala pa rin sa loob nila ang pag-anib dito. Ayaw ba nilang maging isa sa mga kinikilala ng sanlibutan, maging kabilang sa relihiyong niluluhuran ng mga politiko upang sila'y iboto sa halalan. At higit sa lahat, ayaw ba nilang magkaroon ng kapayapaan sa kanilang puso sa katiyakang sila ay maliligtas pagdating ng araw ng paghuhukom. Maaaring ang kanilang dahilan ay ayaw nila ng responsibilidad. Ang nakikita kasi nila ay responsibilidad. Sasamba ng Huebes at Linggo, kailangang regular upang huwag matanggal sa talaan. Bawal magsugal, bawal maglasing, bawal tumaya sa lotto, bawal magsama ng di kasal, bawal mag-asawa ng sanlibutan. Ito, ito marahil ang ayaw nila kaya ayaw nilang umanib sa Iglesia. Marami ang humahanga ngunit hindi nila magawang umanib dahil hindi nila kayang gawin ang kalooban ng Ama. Gusto nila ay yung magagaan lamang. Yun bang tipong sasamba sila kung kelan lang nila gusto. Makakapagsugal sila, makakapaglasing at gagawa ng iba't -ibang kalayawan hanggang naisin nang hindi sila tatanggalin sa relihiyong kinaaniban nila. Iyan ba ang gusto ng Ama?


Ayon sa Biblia, hindi nalulugod ang Ama sa mga gumagawa ng kabutihan ngunit patuloy naman sa paggawa ng kasalanan. Nasusulat, dapat ay maging malinis sa harap ng Ama, layuan ang kasalanan at magiging dapat sa Kanya, kaya kailangan ng laging pagbabagong-buhay.


Labis akong namamanglaw dahil sa marami pa akong minamahal sa buhay na wala pa sa tunay na Iglesia. Ngunit ayon ng sa leksiyon noong mga nakaraang Linggo, pinipili ng Ama ang papasok sa Kanyang bayan. Nagbubukod Siya. Kaya tunay tayong mapalad dahil tayo ang pinili Niya. Patuloy kong ipinapanalangin na sana ay tawagin din Niya ang minamahal kong mga kaibigan, at ang mga naligaw kong kamag-anak ay muli Niyang tawagin pabalik sa Kanya.

Naaalala ko habang ako'y nasa koro,araw ng pagsamba, habang nangangaral ang ministro ay namamasdan ko ang kapulungan. Nakikinita ng mata ko ang aking pangarap. Pangarap ko na sa mga hanay ng sumasamba at nakikinig ay mapabilang ang mga minamahal ko sa buhay na wala pa sa tunay na Iglesia. Ito ang pinakadakila kong mithiin sa buhay bago ko matapos ang aking takbuhin, sana, ang lahat ng mga minamahal ko sa buhay ay makasama ko sa Bayang Banal.

Purihin ang Diyos! Ang Iglesia Ni Cristo ay patuloy sa kanyang kaluwalhatian.
Maligayang ika-95 taong kaarawan!
Sa Diyos ang kapurihan!